IKA-116 ARAW NG KALAYAAN Sa Bayan ng Dingalan, Aurora (2014)
(by Kristine R. Mangahas & MPDC Staff  6/20/2014)

Taun-taon ay isinasagawa sa buong bansa ang paggunita sa mahalagang kasaysayan ng kasarinlan. At sa taong ito ay muling nakiisa ang Bayan ng Dingalan sa pagdiriwang ng ika-116 Araw ng Kalayaan. Ang pagsasaayos ng programa ay pinangasiwaan ng mga matitiyagang guro sa pamamatnubay ni Gng. Ma Eliza V. Bautista (Tagapamanihala ng Distrito). Ang palatuntunang ito ay dinaluhan ng mga lingkod ng bayan sa pangunguna ng ating magiting na Ina ng Bayan, kagagalang Mayor Zenaida Q. Padiernos, mga kagawad ng Sangguniang Bayan, mga Punong Baranggay at mga kagawad nito, mga kawani ng pamahalaang lokal at nasyunal, mga senior citizens at ilang mga mag-aaral.

Sa pagtitipong ito, isinagawa ang pagtataas ng bandila sa pagkumpas ni Gng. Imelda G. Villarosa bilang simbulo sa patuloy nating pagkakamit ng kalayaan. Sinundan ito ng panunumpa sa watawat at madamdaming pag-awit ng Dingalan Hymn. Ang mga pampasiglang bilang ay muling ipinamalas ng mga piling estudyante mula sa Dingalan National High School at Saint Patrick’s Academy at ilang mga guro mula sa iba’t-ibang paaralang elementarya. Tinalakay din ng panauhing pandangal, G. Joel S. Amon, punongguro ng Pambansang Mataas na Paaralan ng Dingalan, ang mga aral at kadakilaan na ipinakita ng ating mga bayani sa pakikipaglaban sa mga banyagang ninais sakupin ang ating bansa. Binigyang diin niya na mahalagang tularan natin ang kabayanihang ito para sa patuloy na pagkakamit ng pagbabago.

Naging tampok din ng programa ang mainspirasyong pananalita na ibinahagi ni Mayor Zeny tungkol sa temang, “Pagsunod sa Yapak ng mga Dakilang Pilipino, Tungo sa Malawakan at Permanenteng Pagbabago”. Binanggit nya ang kahalagahan ng pagmamahal sa kalayaan na ipinaglaban ng mga Bayaning Pilipino, na ating tinatamasa hanggang sa henerasyong ito. Kaakibat ng pagbabago ay hiniling niya ang patuloy na pakikiisa ng bawat mamamayan ng Dingalan sa pag-abot ng kaunlaran ng ating bayan. Nagbigay din ng pananalita si Sangguniang Bayan Kagawad Shiela H. Taay bilang kinatawan ng Pangalawang Punong Bayan Kgg. Hiram M. Liu.

Sa taunang paggunita sa makasaysayang yugto ng ating bansa, sana’y patuloy na maisapuso ang tunay na diwa ng pagkakamit ng kasarinlan. Maisabuhay sana natin ang tunay na adhikain ng mga Pilipinong nagbuwis ng buhay upang mabigyan ng kalayaan ang bawat mamamayan.



See more News