Eleksyon ng LIGA ng mga Barangay 2013
(by Ms. Jammie Narciso  12/10/2013)

Matahimik at maayos na naidaos ang kagaganap na eleksyon ng LnB o Liga ng mga Barangay sa Municipal Conference Room ngayong ika-9 ng Disyembre, 2013. Ito ay atas ng batas alinsunod sa Article One, Chapter One, Title Six Book III of the Local Government Code of 1991 ay kinakailangang dumalo ang labing-isang (11) Punong Barangay sa bayan ng Dingalan. Ang pagtatakda ng LnB Election ay atas ng Memorandum Circular No. 2013-139 ng Department of Interior and Local Government.

Ang DILG ay ang ahensiyang kumatawan sa eleksyong nabanggit upang maisaayos ang itinakdang legal na proseso. Gayundin, ito ay sinaksihan ng iba’t ibang kinatawan ng COMELEC, Non-Government Organization, Kagawaran ng Edukasyon, Parish Pastoral Council, mga kapulisan at mga kawani ng pamahalaan.

Isinagawa ang eleksyon sa pamamagitan ng pagpili at pagsulat sa balota ng bawat Punong Barangay at ito ay kanilang inihulog sa ballot box. Pagkatapos nito, isa-isang binasa ang mga balota gaya ng naging proseso ng nagdaang eleksyon ng barangay. Mula rito, muling nahalal na ABC President si Kgg. Luis A. Borreo (Paltic) na may bilang na labing-isa (11) at nag-iisang kandidato sa naturang posisyon. Samantala, nahalal rin sina Kgg. Victor E. Maneja (Caragsacan) bilang Vice �" President, Kgg. Juanito R. Borreo (Umiray) �" Auditor at mga Board of Director na sina Kgg. Ernani M. Vilar (Poblacion), Kgg. Simplicio P. Ramos (Davil-davilan), Kgg. Leo A. Agustin (Aplaya), Kgg. Mercedita N. Escobido (Matawe), Kgg. Solito H. Andres (Butas na Bato), Kgg. Ariel R. Salcedo (Dikapanikian), Kgg. Darlito L. Serna (Tanawan) at Kgg. Isagani S. Roxas (Ibuna).

Sa talumpati ng pasasalamat na ibinahagi ni ABC President Luis Borreo, kanyang binigyang-diin ang kahalagahan ng suporta sa kanyang adhikain na pagtuunan ng pansin ang pagpapalakas ng Barangay Disaster Risk Reduction Management Council upang magkaroon ng sapat na paghahanda ang konseho ng barangay sa mga sakuna ng kalamidad na maaring tumama sa bayan ng Dingalan. Kaakibat nito, kanya ring iminungkahi ang pagsasaayos ng mga barangay sa pisikal na bahagi nito gayundin ang pagsasa-ayos ng mga mamamayan upang mabigyan ng sapat na proteksyong dulot ng kahirapan at kawalan ng sapat na trabaho.

Bilang pangawakas na bahagi ng eleksyon, pormal na pinanumpa sa katungkulan at ipinakilala ni Mayor Zenaida Q. Padiernos ang mga nanalong kandidato sa mga nasaad na posisyon. Kanya ring ibinahagi na bigyang pansin ang mga mamamayan na higit na nangangailangan ng tulong ng barangay upang magkaroon ng komprehensibong datos ang barangay na siyang magiging pamantayan ng gobyerno sa pagbibigay ng proyekto at programa rito. Naniniwala si Mayor Zeny na ang matapat at magiting na paglilingkod ang siyang magiging puhunan ng mga Punong Barangay na nangangarap na maglingkod sa mas mataas ng tungkulin sa bayan.



See more News