Kasunduan sa pangangalaga sa Mount Mingan nilagdaan
(by bagong aurora  11/3/2016)

DINGALAN, Aurora-Binuo ang isang kasunduan upang mapangalagaan ang Mount Mingan na nilagdaan nina Mayor Shierwin Taay ng Dingalan, Mayor Mariano Tangson ng San Luis, Aurora at Mayor Rolando Bue ng Gabaldon Nueva Ecija na nasa gitnang bahagi ng kabundukan ng Sierra Madre.

Ayon kay Mayor Shierwin Taay ng Dingalan, mahalaga daw ang naging kasunduan na magtutulungan ang nasabing mga bayan upang bantayan ang mga aktibidad sa Critical Habitat na Mt. Mingan at mapigilan ang pagkaubos ng mga matatagpuang hayop sa lugar, partikular na ang Haring Ibon ( Phil. Eagle).

Bukod sa mga hayop ay babantayan din daw ng mga lokal na pamahalaan ang nasabing bundok upang mapigilan ang mga illegal na pumuputol ng mga punong kahoy at mahuli ang mga gumagawa ng pangaabuso na nagreresulta sa pagkasira ng kalikasan.

Naniniwala ang mga Alkalde ng nasabing mga bayan na ang pagtutulungan ng mga lokal na pamahalaan ang pinakamabisang paraan upang labanan ang Climate Change na nagreresulta ng mga pagbaha dahil sa hindi maiwasang pagtama ng malalakas na kalamidad at maiwasan ang tuluyang pagkasira ng lupa sa lugar na pinagyaman umano ng ating mga ninuno.

Ang Mt. Mingan sa gitnang bahagi ng Sierra Madre ay nahahati sa nasabing mga bayan, na kung saan ay nasa 8,200 ektarya ang sakop sa Gabaldon, Nueva Ecija sa mga bahagi ng mga barangay ng Pinamalisan, Cuyapa, Sawmill, South at North Poblacion, Macasandal, Pantoc, Malinao at Ligaya.

35,000 ektarya ng bundok naman ang sakop ng San Luis, Aurora sa bahagi ng mga barangay Dimanayat, Dikapanikian, Diteki, Ditumabo at Dibut.

12,000 ektarya naman ang sakop ng Dingalan, Aurora sa bahagi ng mga barangay Tanawan, Dikapanikian, Davil-davilan, Paltic, Caragsacan at Poblacion. (Ferdinand Pascual, TAPATAN Bagong Aurora Dyaryo ng Bayan)



See more News